Dear Abangero

abangers-1919357

Ang blog na ito ay inaalay ko sa lahat ng mga “friend” na merong motibo.

Para sa akin kasi, may dalawang klase ng kriminal, este, manliligaw.

Yung una, yung mga straightforward. May mga barkada tayong derechuhan dumiskarte. Yung tipong pag nagkagusto sila sa isang tao (o kahit tipo lang nila) ay walang kakibot-kibot na magdedeklara agad sila ng kanilang nararamdaman doon sa taong natipuhan nila. Yung tipong, “bahala na si Batman” ang dating. Yung tipong lalapitan nila yung taong gusto nila at sasabihin, “puwede ba kitang ligawan?”. Sa version naman ng mga babae, ito yung todo-bigay kung mag-iwan ng clue sa walang kamuwang-muwang na lalake, kulang na lang ay mag-iwan sila ng treasure map. “Ano to?” tanong ni guy. “Mapa yan sa treasure na nasa puso ko. Mag GPS ka ha kasi medyo tanga ka.”

Yung pangalawang klase naman ay diskarteng ala-Motolite, pang matagalan. Yung tipong ‘slowly but surely’ ba. Ito yung mga taong “friend” muna ang diskarte.

Style mo bulok!

Pero mas effective.

Kasi nga kung derechahan kang magtanong kung puwede kang manligaw, malaki din ang tsansa na bastedin ka agad. Yung tipong makakarinig ka sa kaniya ng mga imortal na sagot tulad ng “studies muna,” “strict ang parents ko” o “ayaw ni Pope.”

Di ako maniniwala sa pangatlong rason sa taas, kasi sabi nga ni Pope, “mercy and compassion” ang dapat manaig. Kung si Pope talaga ang ginawa niyang dahilan, hindi ka lang talaga niya type.

Di na natin kailangan ikonsulta sa mga eksperto ng PAG-ASA para malaman na mas malaki ang chance na dumating ang low pressure area sa iyong area of responsibility kapag pang-matagalan ang diskarte mo. Ganun naman talaga ang bagyo diba, mas malakas ang impact kung mas matagal dumating. Ayun, may pag-asa ka na talaga.

Pero mahirap. Kasi investment talaga yan. Pero diba, mas masarap ang bulalo kapag matagal siyang niluluto? Mas malutong ang Lechon Kawali kung matagal siyang ilaga bago i-prito?

“Kaya friend muna tayo, at habang magkaibigan tayo gagawin ko lahat para mahulog ang loob mo sa akin,” sabi mo sa sarili mo habang ikaw ay nakatingin sa kaniya sa malayo at nakangiti. Kriminal na kriminal ang dating.

Plano mo na dadalhan mo siya palagi ng pagkain, hatid mo siya sa school o sa office, samahan mo siya sa mall, at kung ano ano pang bagay para mahulog ang loob niya sa iyo. Tama ba yan? Tandaan mo…

foreverness

Akala mo madali lang, mahirap pala. Kasi na realize mo na matagal pala na hintayan ito. Akala mo, ilang linggo lang ang hihintayin mo. Pero buwan na ang lumipas, magiging taon na nga. At di ka na makabitaw kasi masyadong maraming oras at effort ka na nai-invest. Kasama pa dyan ang perang nagastos na. Atsaka dahil sa tagal ng panahon, lalong tumindi ang tama mo sa kaniya.

At tuwing magkukwento sayo ang friend mo tungkol sa mga taong nanliligaw sa kaniya, or kinikwento niya yung mga crush niya sa iyo, damang-dama mo ang isang milyong karayom na tumutusok sa puso mo. Ang mas masakit diyan, alam mong hindi dapat mawala ang ngiti sa labi mo, at habang siya ay nagkukwento, kailangan mong ipakita na intersado ka sa pamamagitan ng pagtatanong ng “Talaga?” “Saan naman kayo nagkita ulit?” at “Crush mo talaga siya?”. Pero alam naman nating lahat na sa loob-loob mo ay puro mura na ang inabot ng taong nagugustuhan ng friend mo na yan.

Alam mo kung saan ang pinakamalungkot na lugar para sa isang “friend” na tulad mo? Sa sarili mong kwarto bago ka matulog. Kasi umaalingawngaw sa ulo mo yung kinuwento niya sa iyo nung araw na iyon. Na-iimagine mo pa nga kung paanong aktwal na nangyari yung mga kabanatang iyon. At ang tanong mo sa sarili mo, bakit sa kaniya kinikilig ka, sa akin hindi?

Araw-araw magtetext o di kaya magkukuwento si friend tungkol sa topic na ito, at ang naiisip mo, gusto mong siyang sagutin na, “Oo na, paulit-ulit!” At pagkatapos pa ng ilang araw bigla niyang sasabihin na nililigawan na siya ng kulukoy na iyon. Sa puntong iyon sigurado ako, nakadama ka na ng panic, iniisip mo, “ako dapat ang manligaw sa iyo.” Gagawin mo ang lahat para sabotahehin ang effort ng mokong na iyon. Kunwari, pa-advice advice ka pa, pero alam mo na ginagawa mo ang lahat para malayo ang loob ng “friend” mo sa taga-lupa na iyan.

At dumating na ang araw na kinakatakutan mo. Sinabi ni “friend” na: “Best… kami na!!!” ng sobrang tuwa at kilig. Hindi mo na maalala kung sa text mo unang nalaman o sinabi ba niya sa iyo ng harap-harapan. Basta ang naalala mo, bumagsak ang buong mundo sa dibdib mo.

Ngiti ka na lang. Wala ka nang magawa sa puntong iyon. Pero akala mo yun na ang bangungot? Chapter one pa lang iyan ng isang mahabang bangungot.

Kasi sa susunod na mga araw, ikukwento sa iyo ni “friend” ang lovestory nila ni boyfriend niya. Parang sine ang dating. Sa kuwento niya parang siya si Bea Alonzo, si boyfriend si John Lloyd Cruz. At sino ikaw? Ikaw yung artistang komedyante na barkada ni Bea ang role.

At balik ka na naman sa pinakamalungkot na kwarto sa buong mundo. Di ka makatulog dahil hindi mo na alam ang nararamdaman mo. Sakit? Galit? Pang-gigigil? Sira na nga ata unan mo dahil yan ang ginagawa mong shock absorber.

Isa lang, ang nasa isip mo habang nakahiga: ” $#%@! Ako dapat iyon. $#%@!. ”

Pero di mo na siya maiwan sa puntong iyon, “friend” ka niya e. Dapat alagaan mo siya kahit may iba siyang mahal. E, ano ngayon, mahal mo naman siya?

Lumipas ang matagal na panahon, biglang lalapit si “friend” sa iyo. Maglalabas ng sama ng loob kasi nag-away ata sila ng boyfriend sa maliit na bagay. Aminin mo man o sa hindi, napangiti ka ng kaunti, kasi ito siguro ang simula ng paghihiwalay nila. Pero bukas magbabati sila. Bad trip. Pero next week away ulit. Nice. Pero after a week bati ulit. Bad trip. Para ka lang nasa roller coaster ano?

Pero di mo pa rin siya maiwan. Friend ka e. Mahal mo siya talaga.

At sa dulo, tatawag si “friend” sa iyo ng umiiyak, “kailangan kita. Please meet me now na.” Kahit madaling araw takbo ka agad. Ang pinamasakit sa tenga na tunog sa buong mundo ay yung tunog ng iyak ng taong pinakamamahal mo. Walang laban ang kahit anong sirena o busina sa tunog na iyan.

Iyak ng iyak si friend mo. Damang-dama mo ang sakit niya sa dibdib. Hindi mo magets yung storya niya dahil sa iyak niya. May third party daw? Iniwan daw siya? Mas inuna ng boyfriend niya yung barkada kesa sa kaniya? Hindi mo maintindihan ang kinukwento niya, pero di na iyon importante, andito sa harap mo ang pinakamamahal mong tao na sobrang sakit ang nadadama. E ikaw nga e ni kurot di mo siya masaktan, tapos yung hayop niyang boyfriend, ganun ganun lang kung saktan siya?

Pero ang sarap sabihan si friend ng: “Tanga ka kasi. All this time andito ako, alam mo naman na may gusto rin ako sa iyo at alam mo namang di kita kayang saktan. Puwedeng Ako Naman ang Magmahal Sayo?”

Ilang beses mo na sigurong pinraktis yan sa ulo mo ano? Pero di mo pa rin masabi. Bakit?

Tanga ka rin kasi.


2 thoughts on “Dear Abangero

  1. so tama pala ang verse sa bible na…”A friend loves at all times and a brother is born for adversity – Proverbs 17:17″🙂 pero sana pwedeng ilevel up🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s